Bopis

Ang bopis ay lutong-ulam na halos hindi nawawala sa halera ng itinitindang ulam sa mga karinderya at food court sa mall.

Puro laman-loob ang pangunahing sangkap nito gaya ng baga at atay. Madalang iluto ang bopis sa bahay pero sa totoo hindi komplikado ang paggawa nito. Ito ang aming bersyon ng bopis.

MGA SANGKAP

  • 1/2 kilo bagà ng baboy

  • 1/4 kilo atay ng baboy

  • 1 piraso ng labanos

  • 1 piraso ng carrots

  • 1 piraso ng red bell pepper

  • 2 o 3 siling haba

  • Siling labuyo o cayena

  • Bawang

  • Sibuyas

  • Mantika

  • Suka

  • Asin at pamintang durog

  • Achuete oil o powder(opsiyonal, pampapula)

    • Labanos sa palengke
    • Cayena kung walang labuyo

PARAAN NG PAGLULUTO

  1. Isangkutsa ang bagà at atay habang buo pa ang mga ito sa kaunting tubig at asin. Kapag nagsimulang kumulo, tanggalin ang bulà. Pakuluan ng ilang minuto at hanguin. Kapag hindi na mainit, hiwain ito ng maliliit.
  2. Igisa ang bawang, sibuyas, achuete(oil o powder) at ang hiniwang piraso bagà at atay sa pressure cooker. Timplahan ng asin at paminta. Lagyan ng kaunting tubig. Ilagay at ilapat ng tama ang takip ng pressure cooker at isara. I-pressure cooker ito ng kalahating horas. Pasingawin at buksan lang kapag wala ng pressure (kadalasan may indicator sa takip).
    • Bawang at sibuyas
    • Takip ng pressure cooker
  3. Ilagay ang labanos, carrots, bell pepper, at siling haba. Takpan at pakuluan hanggang lumambot ang labanos at carrots. Timplahan ng suka, asin at siling labuyo ayon sa nais na asim, alat at anghang.

Bopis sa kawali Patok itong ulam dahil napakalasa at malayo ang marating nito kasama ng kanin!