Chistorra, Sinangag at Sunny Side Up Eggs
Long-si-log (longganisa, sinangag at itlog). Tap-si siyempre ang hari ng lahat ng mga si-log. Talagang mabigat ang agahang Pinoy. Kape ang katapat na panulak sa agahan.
May dalawang kampo ang almusal: Tinapay o kanin. Kung tinapay ang pili mo, pandesal o tasty bread ang hanap mo sa umaga. Pero kung ang kategorya mo ay kanin, ito ang tipo mong almusal. Kaya naman dinagdagan mo ang sinaing kagabi para may matirang kanin para sa sinangag sa kinaumagahan.
Isang trick na magpapasarap sa sinangag ay ang paglalagay sa ref ng tirang kanin kaya naman talagang kaning lamig na malamig!
Longganisa hamonado ang tradisiyonal na komponente pero chistorra ang pinalit namin kasi yun ang available. Hindi ito cured meat gaya ng karamihang chorizo dito sa Madrid. Smoky at mataba ang chistorra gaya ng hamonado pero wala nga lang tamis! Pero ayos na rin yun para walang umay.
Sunny side up ang prito sa itlog para buo pero malasado ang pula at tostado ang paligid ng puti. Tip: Painitin ng husto ang mantika at habang ipiniprito gumamit ng kutsara para paliguan ang pula ng kumukulong mantika.
Naalala ko tuloy ang super espesyal na tapsi sa Balai Isabel sa bayan ng Talisay, Batangas. Ito ang dako kung saan matatagpuan ang Bulkang Taal, katangi-tangi dahil ito ay bulkan sa loob ng isa pang bulkan!
Kayo, ano ang tipo ninyong almusal? Tinapay o kanin? I-follow ninyo kami sa Instagram at gamitin ang #agahanpinoy hashtag sa mga uploads ninyo.