Ginisang Upo

Ang po at opo ay ang mga salitang ginagamit bilang pagpapakita ng paggalang. Tinuturuan at naasahan sa mga bata na makipag-usap sa mga nakatatanda gamit ang mga po at opo. Kapag ang isang bata ay hindi nangungupo, isang pabirong pamuna at paalala ang sinasabi: "Kumain ka ng upo!" Sa isip ng isang paslit, parang bang may taglay ang upo na sekretong sangkap na gagawin silang magalang.

Ang ginisang upo ang masarap na luto lalo na kung ang upo ay tama sa gulang. Manamisnamis ito at maging ang murà nitong buto ay malambot pa.

MGA SANGKAP

  • Upo
  • Giniling na baboy
  • Kamatis
  • Bawang
  • Sibuyas
  • Siling haba
  • Mantika
  • Patis o bagoong alamang
  • Asin at pamintang-durog

Binalatang bunga ng upo Gumamit ng vegetable peeler para mas madaling balatan ang upo at balatan ito bago hiwain ng maliit. Pinagbalatan ng upo

PARAAN NG PAGLULUTO

  1. Isangkutsa ang giniling na baboy sa pamamagitan ng paglalagay ng kaunting tubig at asin. Tangggalin ang bula sa unang kulo. Patuyuan at hayaan lumabas ng kaunti ang sarili nitong mantika. Maririnig sa tunog na nagsisimula na iton maprito. Dagdagan ng kaunti pang mantika.
  2. Igisa ang bawang, sibuyas at patis (o extra flavor kung bagoong alamang ang gagamitin). Isama ang kamatis at igisa hanggang madurog ng husto ang kamais at halos humiwalay na ang balat nito.
    • Bawang, sibuyas at kamatis
    • Bagoong alamang sa bote
  3. Igisa ang upo hanggang magsimulang lumabas ang katas nito. Ilagay ang siling haba at takpan. Pakuluan at paminsan-minsan lang haluin. Hindi na kailangan lagyan ng tubig dahil makataas ang upo. Timplahan ng asin at paminta. Lutuin hanggang lumambot.

Maging ang mga hindi mahilig sa gulay, ay hindi tumanggi kapag inihahain ang ginisang upo, basta maraming sahog na baboy! Ginisang upo

Masarap rin itambal ang pritong isda sa ginisang upo. Kain na po tayo! Pritong isda

At malamang kung ito ang inyong ulam, masarap na paalala ito sa mga bata na gamitin ang po at opo na katugma ng upo.