Lugaw Espesyal 🍲
Kapag malamig ang panahon, masarap kumain ng may mainit na sabaw. Lugaw! Ang isa sa kaagad na sumasagi sa isip, nire-request ng pamilya. Sa simpleng kahulugan, ang lugaw ay kaning sinabawan at tinimplahan. Ang arroz caldo ay lugaw na sinahugan ng manok.
Isang bagay nakakatuwang aminin ngayong may basikong kaalaman na kami sa Español ay ang pagbibigay kahulugan sa terminong arroz caldo. Ang salitang arroz, sa paanuman ay alam namin—kanin o bigas, pero ang kakatuwa ay ang caldo na ipinapalagay na chicken na siyang sahog sa arroz caldo! Pero sa totoo ang caldo ay ang mainit na sabaw o broth sa English.
Sa aming bersyon, imbes na manok o goto–baka at tripa ang sahog. At hindi lang bigas ang gamit may halo rin itong malagkit.
Madali lang magluto ng lugaw. Mag-gisa ng luya (importante ito, mawala na ang sibuyas huwag lang ang luya), bawang, sibuyas, patis at ang bigas (at malagkit kung meron ka). Kung may sahog, igisa itong kasama hanggang pumula. Sabawan at pakuluan hanggang maluto ang bigas.
Sa ginamit namin sahog na baka, subok na namin na mas maganda ang resulta kung sa pressure cooker ito lulutuin dahil mas madaling lumambot ang karne, tripa o tuwalya-tuwalya ng baka.
Kapag luto na, binubud-buran ito ng pritong bawang at green onions. Masarap rin ilagay ito sa sotanghon at pancit. Kaya naman, lagi kaming may stack sa bahay ng fried garlic sa bote, na karaniwang mabili sa mga Asian store.
Nagiging espesyal ang arroz caldo kung may itlog! Hard-boiled eggs na puede mong ilaga habang niluluto mo ang lugaw. Kung may chili oil ka huwag kakalimutan patakan!
Ang arroz caldo ay isa sa mga Pinoy comfort food. Ito ang aming pagkain habang bumabayo ang bagyo o di kaya binabaha dulot ng ulang siyam-siyam, at mga situwasyong kailangan ng kalinga o sa literal na diwa—comfort at hindi ka naman bibiguin ng arroz caldo!
Tara, kain na, ng mainit at umuusok pang lugaw! 🍲