Lumpiang Toge, Monggolian Beef at Leche Flan
Ang pagiging mapagpatuloy (hospitality) ay isa sa kapuri-puring mga katangian ng pamilyang Filipino. Isang paraan para ipakita ito ay ang pag-aanyaya sa mga panauhin upang makasalo sa pagkain. Kapag nag-imbita, madalas na ang espesyal na recipe ng pamilya ang iniluluto para sa mga bisita. 'Ika nga, pang-special ocasion na ulam.
Kaya nang imbitahin namin ang aming mga kaibigan para sa isang pananghalian, nag-isip kami ng balanse at match sa panlasa pero espesyal sa paraang hindi ito inuulam araw-araw, idagdag pa na mabusisi at matrabaho ang maggawa nito.
Ang lumpia ay ulam na gulay na appetizer na rin sa panimula ng kainan. Katunayan sa mga Asian restaurant, lumpia ang sini-serve na entrée o first plate. Pero wala namang meal courses ang kaininang Pinoy, ulam pa rin ang lumpia na magkakasamang inihahain sa hapag.
Ang Monggolian Beef ay natitikman kapag ang isa ay kumain sa restaurant pero hindi naman lahat ay nagse-serve nito. Kaya naman napaka-espesyal nito na ihain sa bahay! Garantisadong patok ito sa mga bisita!
Matrabaho at maselan ang paggawa ng leche flan. Maraming hakbang at atensyon ang kinakailangan para makagawa ng maayos na leche flan na kapuwa tama sa lasa't tamis at higit sa lahat ang tekstura nito.
Masarap na pananghalian, at masayang kuwentuhan at tawanan. Sulit na sulit nga lahat ng paghahanda sa dulot nitong kagalakang tumatatak sa ala-ala kapiling ng mga mahal na kaibigan!