Weekend Ulam — Inihaw na Dorada at Chorizo Criollo
Ngayong weekend magpapa-usok kami ng kaunti. Nag-ihaw kami ng isda at chorizo. Mabuti na lang at hindi maselan ang mga kapitbahay naming mga Espanyol at hindi nagreklamo sa usok. Sa katakam-takam na langhap ng usok ng inihaw!
Bago ang ihawin ang isda, inuna ko muna ang chorizo criollo. Mag-iiwan ito ng karagdagang lasa para sa isda.
Ang isdang Dorada o Sea Bream ang kadalasang iniihaw namin sa grill sa bahay dahil sa paanuman ay nakakatulad nito ang tilapia sa Pilipinas. Mataba at malabo ang laman nito at kahit walang kaliskis ay puedeng ihiwaw ng hindi basta nasusunog ang balat nito.
Ginigilitan lang ng mababaw ang magkabilang panig para manuot ang asin. Isang bagay na mahalaga kapag nag ihaw ay tiyaking mainit na mainit na ang parilya para maiwasang dumikit ang balat kapag binaliktad.
Habang nag-iihaw inihahanda naman ang katambal na sawsawan ay ang ginayat na kamatis, green onions at patis. Isang tip: kung ayaw mong magtubig ang iyong sawsawan, ilagay ang pampaalat gaya ng patis o asin sa huli o bago magsimula sa pagkain. Ang asin ay may kakayahan palabasin ang katas ng pagkain.
Cebolleta o bagong-ani at sariwang sibuyas ang masarap na gamitin dito. Kung wala naman kahit ang sibuyas na pula ay OK rin. Lasona, isang uri ng sibuyas sa Pilipinas, ang naaalala kong hindi nawawala sa hapag ng aming mga lolo.
Isa sa best buy namin sa mga gamit sa kusina ang portable electric home grill. Dinisenyo ito para makapag-ihaw sa loob. Ang saló nito sa ilalim ay pinupuno ng tubig sa layuning bawasan ang usok at sasaluhin na ng exhaust fan ang ibang usok.
Isa pa sa nakakabawas ng usok habang nga-iihaw ay kapag lumalabas na ang taba ng iniihaw at tumutulo sa uling sa karaniwang BBQ grill. Sa aming home grill, sinasalo ito ng tubig sa ilalim kaya hindi nasusunog ang taba na siyang pangunahing pinagmumulan usok.
Kaya kapag nag-ihaw kami siguradong may magkatambal na ulam para isang pausok na lang!